Posts

Showing posts with the label Tagalog Poetry

Kislap ng Salapi

Image
ni Darwin Tapayan Minumutya ka’t niluludhan ng madla Sa kislap mong taglay sila’y napatunganga Naghumlad ng palad, sakali’y biyaya; Hangaring marupok ang maging dakila. Masdan mo ang maralita ng lansangan ‘Di baga’t uhaw sayong kadakilaan, Sayo’y nanikluhod sakali’y makamtan Hangari’y malasap kislap na ‘yong tangan. Ikaw nga’y ugat ng kapangahasan Ng madlang sayo’y dumakila’t umasam Hangad ay magpakariwasa sa yaman Ni hindi minasid, tao ng lansangan. Kislap mo’y sadyang maningas, mapangsilaw Murang papel kung ika’y sadyang matanaw Ngunit kapara’y hiyas na mapang-uhaw Sa mundong ito’y yaring ikaw ang gugunaw.

Ang Hiwaga ng Ngiti

Image
ni Darwin Tapayan Sa aking paglalakbay, Pangamba’t takot ay nanalaytay; Pighati, lungkot at lumbay Ay numumuo sa masalimuot kong buhay. Sa aking pakikisalamuha, Minsang nadama ko ang pagluha Lumbay at kimkim ay nanguna, Sa puso namumuhay, ako’y nangamba. Sa aking pakikipamuhay, Minsang natisod sa bato’t nalatay Winaring wala ng makikiramay Akong wala ng pag-asang mabuhay. Sa aking paglalandas, Sa daan ng buhay ako ay nadulas, Nawari ko ang lungkot ay wala ng lunas; Kagandahan ng buhay ay kailan ko kaya matatalastas. Sa panahon ng kalungkutan ay namutawi, Panambitan ko’y aking ibinati; Sa langit ay bumuntong at nakiwari Sana’y lumbay ay mahawi. Pumatuloy ang yugto ng panahon Pumatuloy ang pagsubok at hamon, Ngunit asam ko’y pag-asang ayon— Ngiti sana’y siya ang hihilom. Sugatan ang puso’t isip ko’t diwa, Batid kong ang ngiti’y may hiwaga, Siyang lunas sa pighati ko’t pagdurusa Talastas kong siya ang aking umaga. ...

Himig ng Pasko

Image
ni Darwin Tapayan Malamig ang simoy ng hanging humahaplos Sa puso ko’y umaawit, nagsasayang lubos May galak ang mga dahon sa puno Wari kong nagsasayaw sa himig ng Pasko. O kaysarap pakinggan himig ng lansangan Kalansing ng murang kahoy na may mga tansan Dulot ng tugtugin: Pasko ay sadyang ligaya Tiyak na buhay ay malulubos sa pag-asa. Himig ng Pasko ay laganap sa nayon Kapagdaka, naantig na puso ay napapalingon Hinahanap awiting nagsariwa ng aking buhay Sa bawat sandal ay nagdudulot ng kulay. O kay saya, hali na at magdiwang Ikagalak isang maanyo at butihing pagsilang Ng sanggol na Jesus sa sabsaban ng inang mahal Nawa’y maisapuso at isahimig ang anyong banal. Sumaliw na ang tinig sa tugtuging marangya Aliw-iw ay sadyang naaantig, mariwasa; Sa himig ay namulat ang puso kong pahat Sa pagdiriwang na nga’t dakila sa lahat.

Paalam

Image
ni Darwin Tapayan Sadyang kay lungkot ang maghiwalay Sa isang tapat at kaibigang tunay. Ako’y nagdaramdam ng lubos, Subalit ika’y nasa puso’t ‘di malilimot. Kaibigan, salamat sa magandang ala-ala, Salamat sa masaya’t makulay nating pagsasama. Naisip ko, ano kaya ang bukas na sa ati’y naghihintay? Nawa’y maging masaya at gumanda ang ating buhay. Malungkot man, ika’y sadyang nasa puso ko… Paalam kaibigan matalik at totoo.

Wika ay Pagyamanin

ni Darwin Tapayan O wika, wika'y siya't mainam Sa pagsulat at pakikipagtalastasan Sa pagtatalumpati at panitikan Siyang tangi upang tao'y magkaunawaan. Wika'y sadya't yaring hiyas Sa puso ng sinuma'y nagluluwat Tangi't butil na sa patag ay ikinalat-- Makinang na wika, sadyang likas. Wika sana'y langit ang naaabot Ano't nasa lupa na'y 'di pa madampot Ng taong yari't akala'y bubot Na siya'y walang muwang sa biyayang dulot. Siya nga at bakit niyaring sadya? Siya nga at tao'y sagana, sa wika'y mariwasa Ngunit ano't tao'y salat sa pangangalaga? Wika'y pinagtatabuyan siya at ikinahihiya... Ano't tao'y sadya't yaring hangal? Walang pagtangi sa wikang mutya't mahal Na nga't sana'y ikarangal Sapagkat Diyos ang nagpala, Siyang nagbigay. Wika sana'y pagyamanin Sa patag ay isabog at pagyabungin At sa pagsikat ng umaga ay anihin Upang sa puso'y magluwat, magalak ...

O Sana O Diyos

Image
komposo ni Darwin Tapayan Ako'y nanggaling sa kadiliman Malayo pa ang aking nilakad Ngunit nakaya ko parin At ako nga ay naparito Sa lupain ng liwanag At nakita ko ang kabanal-banalang Bahay-Dalanginan Kaya't ako'y pumasok At napaluhod At nanalangin na O sana O Diyos Ako ay iyong patawarin. O sana O Diyos Ama Anak At Espiritu Santo Turuan mo akong magmahal At magpatawad O sana o Diyos. O sana O Diyos Ako ay iyong patawarin.

Makabagong Kabihasnan

Image
ni Darwin Tapayan Sa usad-panahon tao'y nabihasa; Pantas na dakila, nakilalang kusa, Sa kinang at tanyag ng bagong likha Badhang mapapahamak buhay ng madla. Kagandahan ng daigidig ay naagnas Nitong usad-panahon ng taong-hamak; Pantas at dalubhasa'y nangagsitukllas Totoo't masarap, 'pag nagawi'y 'saklap. Usad-panaho'y usad ng kabihasnan; Kung anong sipol ay siyang kahalingan Ng taong 'di na inisip ang hantungan Ng mundong narurupok sa kadiliman.

Harden sa Umaga

Image
ni Darwin Tapayan Ikaw ba'y nalulungkot o nadarama ang pighati't pagluha? Huwag kang mahiya sumilip saglit sa paligid na sayo'y umaali-aligid. Masdan mo ang harden sa umaga tunay ngang mga bulaklak nito'y kayganda-- Hindi ba't iba't ibang kulay? Kanina lamang ay makikta sa'yong mga mata ang pagluha ngayo'y makikita na lamang kumikislap, nagningning lumiliwanag na para bang bituin. Kaibigan, alam kong ikaw ay naglalakbay tungo sa magandang bukas; Ikaw ba'y nalulungkot o di kaya'y nababagot? Ikaw ba'y nalulumbay o nawawalan ng pag-asa sa buhay? Lagi mong isiping Siya'y nariyan at ang harden sa umaga na lagi mong makakasama.

Lunggati ng Buhay

Image
ni Darwin Tapayan Sa dakong madilim, ako'y iyong masisilayan Dalamhati sa puso'y kailan ko mauunawaan; Hiling ko lang nama'y makapumiglas sa karukhaan Ngunit kailan ko madaratnan ang hiyas na kapalaran. Aalis ako upang malayo sa sinawa'ng kabihasnan At kung sakaling ako'y madapa, pagbango'y asahan Sa tuktok paroon, aking babakasin, mga karaanan Maliko't malayo, matitiis at s'yang hantungan. Paalam sinta ko't ako'y maglalandas Muli't muli'y magbabalik at sa inyo'y may isisiwalat: "Inang halika't ako'y hagkan Lunggati ng buhay ay aking nakamtan."

Munting Alaala

Image
ni Darwin Tapayan Sadyang dagli ang araw ng buhay Mga alaala'y lumilipas, naglalakbay, Yaong sandali ng hamo'y yaring naghihintay Sa panibagong bukas nitong paglalakbay. O kay inam damhin ang masasayang samahan Mga alaala ng tunay na pagkakaibigan, Yaong mga sandali ng kuwentuha't tawanan Nawa'y masariwa sa puso't magunita ng isipan. Nakalulungkot ang sabihing: "paalam kaibigan" Ngunit batid kong alaala nati'y lagi mong tangan; Sa'n man mapadpad ng panahong maduyan Nawa'y ihirati ang galak at tuwa ng nakaraan. Kaibigan, salamat sa mga sandaling inialay Salamat sa pinagsamaha't mga turong tunay Puso ko'y nilipos mo ng mga salitang dalisay Inilapit mo ako sa Diyos at niyaring banal. Kaibigan, hindi kita malilimot sa isip sadya, Ikaw ang umakay sa akin sa katotohana't ligaya Salamat kaibigan, sa tuwa at pagsasama, Pakakaingitan 'yang mga munti nating alaala.

Sa Kandong ng Ina

Image
ni Darwin T. Tapayan   Sa pikit kong mundo'y naglalandas Sa sinapupunang nais kong umalpas Sa marapat ay hindi ako nalagas At natauhan ng mata'y umaliwas. Noon nga'y nakamit ang pagpapala Ng ina kong nangiyak sa tuwa; Sa kabutihan ng P'oong Lumikha Nailuwal ako sa mundong may saya. Kalauna'y natutuhang magalak Sa ugoy ng duyang 'di hamak, Sa aral ni Ina'y nagkislap Ang aking isip na noo'y pahat. Yamang ako'y lubos na pinagpala Sa kandong ng mahal kong Ina Sa dampi at banayad na pag-aaruga Sa pagmamahal at pagtitiwala. Kayo ang nagturo ng tamang asal Kayo na ang sa aki'y nangaral: "Lumayo't umiwas sa masama't bawal, At matuto kang humarap sa altar." Darating ang takdang panahon Na kayo ay aking iaahon Bilang sukli na sa 'kiy ipinabaon Kung saan man ang ako'y maparoon. Kayo ang sa mata ko'y nagdilat Kayo ang sa buhay ko'y nagmulat; Sa kalaliman ng...

Panaghoy ng Kalikasan

Image
ni Darwin T. Tapayan O kay rangya ng tanawing malilikas Sa nangaroong tubig sa ilog na naglalagaslas Sa mayuming namumukad na mga bulaklak-- Bulaklak na hinamog ng gabing lumipas. Sa masukal na gubat ang mga ibo'y naglawiswis Nagdadalamhati kay Inang kalikasan sa kapahamakang nasapit-- Nanaghoy ang tinig, umiiyak, waring nanangis Tawag ay madla sa kahangalang sa kanya idinungis. Sa kamunting hampas ng hangi'y may tinig ng galak Sa lipos nitong dalisay, ang mga daho'y nagpalakpak; Nilalandas karagatan at patag hanggang gubat Hinahaplos nitong hanging dalisay ang pusong tapat. Ang mga puno sa gubat, nangamba, nagimbal Nang maulinig, yabag nitong mga taong balot-hangal Tila nalalapit sa kapahamakan, kalikasa'y mautal Sa hangganan ng salinlahi'y daigdig ang mabubuwal. Bakit ba tubig sa dagat ang nayaring dungisan Ng mga taong umaasa rin lang kay Inang Kalikasan Manariwa pa kaya ang tubig sa dagat na kabang-yaman Nitong ating minamahal at bukod...