Wika ay Pagyamanin

ni Darwin Tapayan

O wika, wika'y siya't mainam
Sa pagsulat at pakikipagtalastasan
Sa pagtatalumpati at panitikan
Siyang tangi upang tao'y magkaunawaan.

Wika'y sadya't yaring hiyas
Sa puso ng sinuma'y nagluluwat
Tangi't butil na sa patag ay ikinalat--
Makinang na wika, sadyang likas.

Wika sana'y langit ang naaabot
Ano't nasa lupa na'y 'di pa madampot
Ng taong yari't akala'y bubot
Na siya'y walang muwang sa biyayang dulot.

Siya nga at bakit niyaring sadya?
Siya nga at tao'y sagana, sa wika'y mariwasa
Ngunit ano't tao'y salat sa pangangalaga?
Wika'y pinagtatabuyan siya at ikinahihiya...

Ano't tao'y sadya't yaring hangal?
Walang pagtangi sa wikang mutya't mahal
Na nga't sana'y ikarangal
Sapagkat Diyos ang nagpala, Siyang nagbigay.

Wika sana'y pagyamanin
Sa patag ay isabog at pagyabungin
At sa pagsikat ng umaga ay anihin
Upang sa puso'y magluwat, magalak man din.

Nawa'y isapusong sadya,
Wika ni Rizal na bayaning dakila:
"Ang taong di magmahal sa sariling wika
Ay nakahihigit pa sa mabaho at malansang isda."

Wika sana'y isapuso't pakamahalin
Sa kapwa'y ipakatangi at pag-inamin
Sa bayan ay ihandog, sa kanya'y ihain
Sa Diyos ay pasalamatan at dapat ay purihin.

Handog sa Buwan ng Wika

Comments

Popular posts from this blog

Aklanon Common Greetings and Salutations

Patugma (Aklanon Riddles)

“Mamugon”