Sa Kandong ng Ina
ni Darwin T. Tapayan
Sa pikit kong mundo'y naglalandas
Sa sinapupunang nais kong umalpas
Sa marapat ay hindi ako nalagas
At natauhan ng mata'y umaliwas.
Noon nga'y nakamit ang pagpapala
Ng ina kong nangiyak sa tuwa;
Sa kabutihan ng P'oong Lumikha
Nailuwal ako sa mundong may saya.
Kalauna'y natutuhang magalak
Sa ugoy ng duyang 'di hamak,
Sa aral ni Ina'y nagkislap
Ang aking isip na noo'y pahat.
Yamang ako'y lubos na pinagpala
Sa kandong ng mahal kong Ina
Sa dampi at banayad na pag-aaruga
Sa pagmamahal at pagtitiwala.
Kayo ang nagturo ng tamang asal
Kayo na ang sa aki'y nangaral:
"Lumayo't umiwas sa masama't bawal,
At matuto kang humarap sa altar."
Darating ang takdang panahon
Na kayo ay aking iaahon
Bilang sukli na sa 'kiy ipinabaon
Kung saan man ang ako'y maparoon.
Kayo ang sa mata ko'y nagdilat
Kayo ang sa buhay ko'y nagmulat;
Sa kalaliman ng pusong tapat
Ako sa inyo'y lubos na nagpapasalamat.
Ikaw ang s'yang aking itinatangi
Saan man, kailan man, ay 'di maitatanggi
Na kayo ang sa aki'y naglapat nagdampi
Ng tunay na pagmamahal lagi.
bagaman naisulat noon pang Mayo 10, 2008, Araw ng mga Ina, ang diwang
pahiwatig ng tulang ito ay mananatiling gayon magpakailanman. Ito ay
inihahandog sa aking nanay--Grace Tapayan.
Comments
Post a Comment