Ang 4P’s sa Pag-unlad sa Buhay

isang sanaysay ni Darwin Tapayan

Pinangangambahan ngayon ng libu-libong mga mahihirap na benipesaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) ng gobyerno na baka alisin na ang programang ito na para sa kanila ay nakatulong ng malaki.

Gayunman mga kaibigan, hayaan nyo pong ibahagi ko sa inyo ang 4P’s na tiyak na magbibigay ng tulong sa atin hindi lamang sa mga pagkakataong ito kundi sa panghabambuhay. Tatawagin ko ang 4P’s na ito na 4P’s sa Pag-unlad sa Buhay.  Ang mga P na ito ay: Pangarap, Pananampalataya, Pagsisikap, at Paglilingkod. Ang mga ito ang napatunayan kong naging tulong sa akin sa kung anong mga tinatamasa kong mga pag-unlad sa buhay ngayon.

Ang unang P ay Pangarap. Ang pag-unlad sa buhay ay nagsisimula sa pangarap. Ang pangarap ang siyang nagiging inspirasyon natin upang kumilos tungo sa pag-unlad. Ibig sabihin, sinuman ay hindi uunlad sa buhay na ito kung siya ay walang pangarap. Nawa ito ang iukit ng mga magulang sa kanilang mga anak na habang sa murang edad ay magkaroon na ng pangarap sa gayoon ay magsisikap sila sa kanilang pag-aaral at magkaroon ng deriksyon ang kanilang buhay.

Ang pangalawang P sa pag-unlad ay ang Pananampalataya. May mga pangarap sa buhay na tila mailap sa atin na makamit gayunman ang isang taong may pananampalataya ay hindi maaaring mawalan ng pag-asa sa buhay. Siya ay puno ng pag-asa sa kaalamang hindi siya pinababayaan ng Poong Lumikha o ng Maykapal. Kaya nga sinasabi kong ang pananampalataya ay napakahalaga sa pagsisikap nating matupad ang ating mga pangarap para kung ano mang dagok sa buhay ang dumating ay hirap tayong sumuko sapagkat nalalaman nating may nagpapalakas sa atin.

Ang pangatlong P na mahalaga sa pag-unlad natin ay ang Pagsisikap. Oo, magsikap nang matupad ang mga pangarap. Gayundin, may katuruan na ang “pananampalatayang walang gawa, ay patay sa kanyang sarili”. Sabayan natin ang ating mga pangarap ng pananampalataya at pagsisikap. Huwag tayong tutulad kay “Juan Tamad” na aabutin na nga lang ang bayabas sa puno ay hinintay pang malaglag sa kanyang bunganga. Ang nakakatuwa sa kuwentong ito ay sa halip na bayabas ang mahulog sa bunganga niya ay tae ng ibon na kumain sa bayabas na iyon. Ang aral dito ay “‘pag may tiyaga, may nilaga” at “ang taong tamad kailanman ay ‘di uunlad”.

Ang huli na P ay para sa Paglilingkod. Tama, matapos ang lahat ng pangarap, pananampalataya, pagsisikap tungo sa pag-unlad ay huwag nawa nating kalimutan ang ibalik ang mga natamasa sa ating mga kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod. Sa pamamagitan rin nito ay pinapakita natin ang taos-pusong pasasalamat sa Taas na Siyang sa ati’y gumabay at nagbigay ng lahat upang umunlad sa buhay na ito. Ito nawa ang maging dulo ng ating mga pangarap sa pag-unlad, ang makapaglingkod. At kung hindi ito ganito, maaring ang lahat ay mabigo.

Tandaan, ang mga bagay na mayroon tayo ngayon sa buhay ay mga pansamantala lamang ito, gayunman ang mga aral na ito na aking ibinahagi ay magbibigay inspirasyon sa inyo sa panghabangbuhay at magbibigay saya at kahulugan sa buhay ng bawat isa sa sa atin.

Alam kong kung mayroon tayong Pangarap, Pananampalataya, Pagsisikap, at Pag-unlad, tinitiyak ko ang ating pag-unlad.

ang konseptong ito ay unang ibinahagi ng tagapagsulat na ito sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Yapak sa Kinabukasan, isang charity project, sa Ati Village sa Isla ng Boracay noong Nobyembre 30, 2016 na nakapagbigay ng inspirasyon sa nasa 70 mga batang ati at kanilang mga magulang.

Comments

Popular posts from this blog

Aklanon Common Greetings and Salutations

Patugma (Aklanon Riddles)

“Mamugon”