‘Kabataan: Ang Iyong Lumipas ang Iyong Bukas’

isang talumpati na isinulat ni Darwin Tapayan

“Kabataan… haplusin mo ang iyong lumipas…,” pagsulat ng mga maninitik na sina Lolita Nakipil at Leticia Dominggo. “Sa panitikan mo, doon natitik / Kultura ng lahi, banal na mithiin / Sikhay sa paggawa, wagas na damdamin / Bawat Pilipinong may pusong magiting.”

Ang aking talumpati ngayong gabi ay handog para sa mga kabataang gaya ko at kung inyong mararapatin ay para sa lahat ng mga nagmumukhang-bata at nag-iisip-bata (ngingiti)… hindi biro lang poi yon! Sa katunayan, marahil ay nabibingi na tayo sa paulit-ulit na salita mula sa bayaning dakila—“Ang kabataan, pag-asa ng bayan.” Bagaman gasgas na, ang katotohanang ito kailan man ay 'di na kukupas pa. Saan man, kailan man, ‘di ko maipagkakaila, “Ako ang pag-asa ng bayan.” Ating ikarangal ang lahing matapang , magiting sa sandaigidigan, upang kanilang mabatid ganda n gating kasaysayan.

Ang bayang ito ay humaharap sa samu’t saring suliranin at usapin sa kasalukuyan, panloob man ito o panlabas. Gayunman, huwag nating kalimutan, ang baying ito ay duyan ng likas na lahing magiting, matapang, mahusay—handang sumabak sa anumang digmaan. Kagaya ng mga taludtod sa pambansang awit, “Duyan ka ng magiting / Sa manlulupig’'di ka pasisiil / Sa dagat at bundok, sa simoy at sa langit mong bughaw / May dilag ang tula at awit sa paglayang minamahal.”

Mga kaibigan, ang lumipas ay lumipas na, marahil ay wala na tayong pagnais pang balikan ang mga iyon. Sino ba naman sa atin ang paaapi sa mga dayuhan sa loob ng tatlong daang taon? Marahil wala! Kung meron man, iyon yong mga bayaning sadyang isinilang para ipagtanggol ang bayan kapalit man ay buhay na mahal. Ang atin ngayon ay gawin silang patnubay upang labanan ang hamon ng kasalukuyang panahon sa patuloy na pagkamit ng karangalan at kalayaan.

Tandaan natin na bagaman ang laban natin ay laban sa kaapihan ng ating lahi, hindi nawa ito maging madugong paraan. Si Jose Rizal man ay sinupil mga mapang-aping dayuhan sa malinis na digmaan. Oo, kagaya ni Rizal, kaya nating maging dakilang bayani sa larangan ng pandaigdigang paligsahan at palakasan.

Isa na nga tayong malayang lahi, malayang bansa. Ikarangal ang lahing Pilipino, “Taas noo kahit kanino.” Ang panahon natin gayunman ay isa ring makasaysayan. Nabubuhay tayo kung saan ang mga kabataan ay may malaking ambag sa inang bayan. Ang pag-unlad ng teknolohiya, at malakas na ugnayang pandaigdig ay ilan lamang sa mga bagay na tinatamasa nating mga kabataan ngayon. Sa kabila nito, dapat nating mabatid na ang mga ito ay may kapalit na kapahamakan. Kaya nga, mag-ingat! Sa ating mga balikat nakaatang ang patuloy na paglago at karangalan ng bansa. Kaya nga mga kaibigan, magsikap na mainam, bisyo’y iwasang tunay!

Ituon ang bawat sandali sa pagtuklas, paglinang ng anking kakayahan. Ating tuluran ang mga ipinamalas na kahusayan sa pandaigdigang digmaang pampalakasan at paligsahan na kagaya nina Manny Pacquiao, Charis Pempenco at Lea Salonga. Kaibigan, naniniwala akong kagaya ni Pia Wurtzbach, maaari nating maipakita sa buong mundo ang yumi at ganda ng bayang tinubuan; at gaya ni Hidilyn Diaz, maaari nating iangat ang katayuan ng Pilipino mula sa dagok at kahirapan, tungo sa tagumpay at karangalan.

Kabataan, ito ang panahon, manalig tayo sa Dakilang Lumikha na sa ati’y nagkaloob angking talento at kahusayan. Tandaan, “Ang mga bagay na pinagsisikapan nating gawin ay nagiging madali para sa atin, hindi dahil sa nagbago ang bagay kundi ang ating kapangyarihang gumawa ay tumaas.”

Ang huling talata ng tula nina Nakipil at Dominggo ay ganito: “Ikaw... kabataan... pag-asa ng bayan / Akayin ang bansa tungo sa tagumpay; / Gawin mong patnubay ating nakaraan /Ating makakamtan ang magandang bukas.”

Ang talumpating ito ay nag-uwi ng ikalawang karangalan sa ginanap na Palaro 2016 ng Northwestern Visayan Colleges noong Setyembre 16, 2016 sa kategoryang ito.

Comments

Popular posts from this blog

Aklanon Common Greetings and Salutations

Patugma (Aklanon Riddles)

“Mamugon”