'Aklanon' Mamatay Na

ni Darwin Tapayan

Nagulat kayo sa pamagat ng kolum na ito ano?

Ang Aklanon ay maaring tumukoy sa mga taong tubong probinsiya ng Aklan o lenggwahe ng mga tao rito, kagaya ng Illongo, o Ilokano. Sinasalita rin ang Aklanon (o Inakeanon) sa ilang mga bayan ng Capiz. Nililinaw ng ilang diksyunaryo na ang dialekto ay isang uri ng o lokal na lenggwahe.

Ang pahayag na ito ay batay sa kinatatakutan noon pa ng ngayon ay yumaong si Roman A. Dela Cruz, isang bantog na manunulat na nagtaguyod ng panitikang Aklanon. Sa kanyang tanyag na Five Language Dictionary (2004), ipinahayag niya ang pangamba na baka balang araw ay makalimutan na ng karamihan ang wastong gamit at ang dalisay na kalikasan kung paano ito sinasalita ng mga ninunong Aklanon. Kinumpirma ni Sumra Dela Cruz-Rojo, curator ng Museo it Akean at anak ni Roman Dela Cruz, na paunti-unti na ngang nawawala ang kadalisayan ng dialektong ito. Ito ang personal na sinabi niya sa akin taong 2009 pa sa isang tour sa museo ng grupo naming mga estudyante sa subject na Humanities.

Marami sa mga tubong Aklanon ngayon ang hindi nakakaalam o nauunawaan ang tongue twister na ito, “do anwang nagaeugaeog sa eugan-eugan.” Isa lamang ito sa maraming mga panitikang Aklanon na karaniwan ay pabigkas. Ang tongue twister na ito ay ginagamit ng mga misyonero ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints na naitatalaga sa Aklan upang maging sanay sa pagbigkas ng wika rito. Hindi ba nakakatuwang isipin na pinag-aaralan at sinasalita ng mga taga-ibang bansa ang sarili nating dialekto? Nakakahiya kong hindi alam ng mga kabataan ngayon na ang ibig sabihin ng tongue twister na nabanggit ay “ang kalabaw ay nagtatampisaw sa putikan.”

Kaya nga nang ipatupad ng Department of Education ang Mother-Tongue Based Multi-Lingual Education (MTB-MLE) ay hindi ako tumutol dito. Bagaman hindi kasama sa unang 12 lenggwahe ang Aklanon sa ipinatupad ng DepEd, kalaunan ay naidagdag din ito kasama ang anim pa—Ybanag, Ivatan, Kinaray-a, Yakan, Mindanao, at Surigaonon. Ang hamon ngayon sa mga guro ay paghusayin ang pagtuturo ng mga mother-tongue sa kinder hanggang Grade 3. Sa kabila nito, hindi sasapat ang pagtuturo ng Aklanon sa elementarya lamang, marami pang ibang aspeto ang kailangan malaman ng mga kabataan, kabilang na ang naiibang panitikan nito, na maaari lamang maituro sa kolehiyo o hayskul.
Hindi ko intensiyon sa kolum na ito na turuan ang mga hindi Aklanon(tao). Katunayan, ang akdang ito ay para talaga sa mga kapwa ko taga-Aklan. Gayunpaman, ang alituntunin dito ay ipabatid, na kung hindi tatangkilikin ng mga tao ang sarili nilang lenggwahe, darating ang panahon na maglalaho ito.

******

Ngayong Holiday Season, dagsaan na naman ang mga turista sa Isla ng Boracay. Nakakainip nga lang kung nagmamadali ka ay mangangawit ka muna sa pila bago ka makabiyahe. Paano ba naman, umuunlad ang turismo ng Isla pero hanggang ngayon makitid parin ang pantalan ng Caticlan at Cagban. Nakapagtataka, natigil na naman ang proyekto sa Caticlan na palawakin ang pantalan dito. Ang naaalala ko ay dapat nagamit na ito bago maghost ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa Isla noon pang Mayo nitong taon. Ngayon, tila garahe na lamang ito ng magagandang sasakyan.

Bilang bumibiyahe sa Isla dama ko ang ganitong suliranin. Nakita ko ang perwesyong dulot nito sa karamihan lalu na sa pagpasok sa kanilang trabaho. Kung ako na taga-Aklan ay nararanasan ang pagkainip sa sarili kong probinsiya, ano naman kaya ang mga impresyon ng mga taga-ibang bansa? Hindi pa rito kasama ang bahain at baku-bakong kalsada.

Ngayong Bagong Taon, ang hiling ko ay magamit na ang ginawang reklamasyon sa Caticlan Jetty Port upang magsilbing pantalan ng mas maraming bangkang bibiyahe para “waay hasul”—mas maraming Bangka ang makakabiyahe, iwas pila, at iwas siksikan pa. Gawin sana ito bago dumating ang summer season./PC

This article appeared in The Peoples Chronicle newsweekly dated January 6 to January 13, 2016.

Comments

Popular posts from this blog

Aklanon Common Greetings and Salutations

Patugma (Aklanon Riddles)

“Mamugon”