Panalangin sa Paghilom ng Mundo


Isang tula-panalangin panitik ni Darwin Tapayan

Amang makapangyarihan, dakila sa lahat
Diyos na may likha ng sanlibutan, sansinukob
Yumuyukod kami sa lilim ng Inyong paggabay, pagbabasbas
Usal itong papuri, pasasalamat, mga paghihinagpis
Dinggin Niyo po itong aming samu't dasal sa panahong tila walang katiyakan
Panahon ng bagabag, sa ami'y ligalig, pangamba.

Sa kabila nito, higit sa lahat kami sa Inyo'y nagpupuri Amang nasa Langit
Pumupuri po kami sa Inyong hindi nagmamaliw na pag-ibig, walang kapantay na pagkalinga.
Pamupuri sa Inyong dalisay na kabutihan, walang humpay na patnubay.
Pumupuri kami sa Inyong hindi maarok na Karunungan, Kadakilalaan.

Kami ay nagpapasalamat na kahit sa mga sandaling ito ng paglaganap ng salot;
Pinaglapit Niyo ang sangkatauhan, kaming Inyong mga anak na babae at lalake
Na pinaghiwalay ng dagat, wika, kaugalian at maging paniniwawala;
Pinaghihilom Niyo ang hidwaang namamayani sa mga bansa upang magkaisa.

Binigyan Niyo ng kapahingahan ang kalikasang libong taon nang inaabuso naming mga tao.
Salamat at maiibsan ang karumihan ng hangin, ng dagat, ng parang, ilog, sapa
Salamat at hindi na gaanong nagagambala ang mga hayop, mga ibon, mga isda.

Salamat O Diyos sapagkat natuto kaming kumilala ng aming pamahalaan at sa mga naglilingkod-bayan.
Salamat na nagkaroon kami ng pagpapahalaga sa batas, pangangalaga sa aming kalusugan.

Salamat na natanto namin ang kahalagahan ng buhay, sakripisyo, pagtulong, pagmamahal.
Salamat na naging mahalaga ang pagsasama ng maraming mag-anak, ka-anak
Higit sa trabaho, layaw, barkada.

Salamat na sa sandaling ito ng kawalang-katiyakan, pinag-ibayo mo ang aming pananampalataya, katatagang-loob.
Salamat at nakilala ka naming lubos bilang Dakilang Manggagamot, Ang Maykapal.
Ginawa Niyo kaming mapagpakumbaba, masunurin, mapagkalinga, mapagkapwa-tao.

Ngayon Ama dumadalangin Kami; nawa'y dinggin aming panaghoy!
Kami ay lubos na nagluluksa sa libu-libo na na nasawi, pumanaw dahil sa coronavirus.
Ipinagdarasal namin ang kapanatagan, kalakasang-loob ng kani-kanilang mga pamilya.
Ipanumbalik Niyo po ang kanilang sigla, hawiin mo ang kanilang kapanglawan.

Isinasamo namin ang kagalingan ng mga nakararanas ngayon ng nakamamatay na virus.
Bigyan Niyo po sila ng tibay ng loob, ng mahigpit na pananampalataya at pag-asang mabuhay, mamuhay.
Hilumin Niyo po ang kanilang sugat.

Ipinagdarasal namin ang mga dalubhasa sa medisina na magtagumpay sa paghahanap ng kagalingan sa sakit na ito.
Ipinagdarasal namin ang mga doktor, nars, mga nangangasiwa sa mga pasyente, iligtas Niyo po sila sa kapahamakan.
Ipinagdarasal namin ang mga pulis, sundalo, mga rescuers, mga tanod, ingatan Niyo po sila.
Ipinagdarasal namin ang lahat ng mga frontliners, mga bayani sa panahong ito ng kagipitan, kupkupin Niyo po sila.

Gabayan niyo po ang aming mga pinuno sa kanilang mga hakbang upang sugpuin ang pagkalat ng virus;
Sa kanilang hangaring matugunan ang pangangailangan ng mga nagdarahop naming mga kababayan.

Diyos Ama, basbasan Niyo po ang mundo ng kabutihan, ng pag-asa, ng pananampalataya.
Ipinagdarasal namin ang aming mag-anak, ang aming bayan, ang buong mundo;
Sa tuluyang paghilom.
Nananalig kami O Diyos makapangyarihan sa lahat na kami ay magtagumpay sa kagipitang ito.

Siya Nawa.

Comments

Popular posts from this blog

Aklanon Common Greetings and Salutations

Patugma (Aklanon Riddles)

“Mamugon”